Speech sa KADAMAY
Sa ngalan ng National Economic Protectionism Association, ipinapahayag namin ang aming pakikiisa sa mga maralitang mga taga-lungsod sa inyong pakikibaka para sa disenteng pabahay, kabuhayan at batayang serbisyong panlipunan.
Subalit hindi natin makakamit ang layuning ito sa kasalukuyang administrasyon.
Patuloy na sunod-sunuran ang ating pamahalaan sa isang bulok na development strategy para sa ating bansa – isang development strategy na nagtatali sa export ng ating likas na yaman at ng ating mamamayan.
Ang medium term development plan ni Pangulong Noynoy Aquino ay pagpapatuloy lamang ng 40 taon development strategy sinimulan noong 1972. Tulad ng mga naunang mga plano, iniuuna nito ang foreign investments sa anyo ng mga Private-Partnership Program o PPP. Kumpara sa mga naunang privatization program ng gobyerno, mismong ang mga serbisyo ng gobyerno ay balak nang iprivatize. Sa di nalalayong panahon, mismong ang mga batayang serbisyo tulad ay privatized na.
Mga kaibigan, ang NEPA ay samahan ng mga makabayang negosyante. At bilang negosyante, interes ng NEPA na mapasigla ang kalagayan para sa pagnenegosyo para sa mga negosyanteng Pilipino. Pero hindi naming interes at hindi natin interes na ang mga batayang serbisyo ay gagawing negosyo ng iilan – lalu na ng dayuhan.
Nangamba din ang NEPA sa ilang mga programa ng pamahalaang Aquino para sa mga maralitang lungsod. Kanyang pansamantalang isinantabi ang mga relocation projects upang bigyang daan ang sinasabi niyang “programang balik-probinsya” para sa mga tinatawag na iskwater ng Metro Manila.
Sinabi niya na balak niyang bigyan ng tig-2 ektarya ng lupa ang mga tinatawag nilang iskwater sa mga lupaing publiko sa probinsya. Pero meron nga bang lupa sa probinsya?
Nalimutan ata niya na kaya maraming dumadayo sa Metro Manila ay dahil sa kawalan ng lupa at kawalan ng trabaho. At nasaan ang mga publikong lupa na nais niyang ipamahagi? Mga kasama, nasa bundok ang sinasabi niyang lupang publiko. Payag ba kayong irelocate sa gitna ng Sierra Madre? O sa Cordillera?
Para sa NEPA, simple ang daan para kaunlaran – kailangan ng bansa ang pambansang industriyalisasyon upang malikha ang milyung-milyong trabaho para sa ating mamamayan. Industriyalisasyon ang lilikha ng batayang pangangailangan. Industriyalisasyon ang puputol sa tanikala ng pagkakatali ng ating ekonomiya sa mga dayuhan.
Muli, ang pakikiisa ng National Economic Protectionism Association sa KADAMAY at sa mga maralitang taga-lungsod.